Sana’y Hindi Magmaliw

posted in: Literary

Tandang tanda ko pa
Ang tuwa ng mag-asawa
Habang ako’y nasa sinapupunan
Lagi nilang pinag-uusapan
Panlalake o pambabae?
Anong dapat na kagamitan
Mamimili na pala
Ang sabik kong mga magulang

Sapatos na bibilhin
Kulay rosas, kulay bughaw?
Tugon ng aking Ina
Gawing puti, o kaya’y dilaw
Hirit ni Itay, saka na’t ating antayin
Ilang buwan nalang naman, hulog ng langit paparito na sa atin

Kulay asul na damit ang nais ni Itay
Kulay rosas naman ang tugon ni Inay
Pangalang Martha sa aki’y nais ng isa
Marlon naman ang sigaw ni Ama

Kay sarap pakinggan sila’y nagkukuwentuhan
Tila di makaantay, sabik akong masilayan
Sinong maging kamukha, tanong maya’t-maya
Ilong ko ba’y matangos, lahat tuwang-tuwa

Sa gabi nama’y damang dama ko
Ang haplos ni Itay, tagos hanggang buto
Hele mo Inay, ang siyang inaantay
Mahimbing na pagtulog, hanggang bukang liwayway

Sana’y di magmaliw ang aking nararamdaman
Pagkasabik ng magulang, na ako ay mahagkan
Sanay hindi tumigil, ang gabi ay pahabain
Upang sa bisig mo Ina, ako nawa’y mamahalin

Subalit isang umaga, tila wala na ang saya
Sa tahanan kong dadatnan, tila ito ay nasunugan
Teka anong nangyari, kagabi lang ay may-party
Regalo ng mga kaibigan, ito ay napakarami

Mukha ni Inay ay hindi na maipinta
Habang si Itay ay nagmamaktol pa
Ano ba talaga nangyari, tanong ko sa sarili
Ang pagdating ko ba, sa akin pa isisisi?

Ito na at dumating ang araw
Sa doktor ako’y napagplanuhan
Ang magulang na sabik sa aking pagsilang
Bakit sa akin ngayon ay nasuklam
Kahit anong iwas ko sa tongs
Wala akong kalaban-laban
Murang katawan ay hindi sapat
Upang sila ay mapigilan

Tama ang kutob ko, panandalian lang pala
Ang wari ay sabik na magulang
Puro ngayon panghihinayang
Akala ko kakampi, sila pala’y mga kalaban
Mga taong nais ko sanang mamasdan,
itinuring ko pang mga magulang

Salamat Inay, limang buwan akong inalagaan
Sa sinapupunan, pag-ibig mo’y naramdaman
Salamat Itay sa kulay asul mong kasuotan
Na sa aki’y laan, isusuot nalang sa libingan

Akoy mananaghoy, sasariwain sa alapaap
Ang lahat ng alaala sa hangin nalang malalasap
Paalam Inay, hele mo’y di makalimutan
Salamat Itay, sana ako’y napagbigyan

Follow Ptr. Michael Sanchez:
Publication Adviser, The OPIF Digest