Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan,
tunay nga at ito’y napatunayan.
Nang ialay ni Hesus ang Kanyang buhay,
para sa tulad kong makasalanan.
Si Hesus na walang batik na kapintasan,
Siya ang nagbayad para sa ating kaligtasan.
Nanalangin sa tabi, sa lugar ng Getsemani,
kabagabagan ay nawala, kalooban ng Ama ang naghari.
Sa halik ipinagkanulo ng isa sa Kanyang disipolo,
hudyat upang Siya’y dakpin, pagsisimula ng Kanyang kalbaryo.
Sa maling paratang ng mga saksi,
katahimikan ang iginanti.
Tinangap ang kanilang hatol,
nang walang anumang pagtutol.
Bayang Kanyang pinili at minahal,
ang sa Kanya’y tumalikod at naging hangal.
“Ipako sa krus! ipako sa krus!” ang patuloy na isinisigaw,
kapalit ng kalayaan ng isang magnanakaw.
Suntok, sipa, hampas ang sa katawa’y lumamog,
tinanggap ng buong pagtitiis at walang pagdadabog.
Lumakad pasan ang krus, patungo sa lugar na tawag ay Bungo,
Kanyang huling hantungan upang duo’y maipako.
Walang pag-ibig ang sa Kanya ay hihigit,
nang akuin ang lahat ng hirap at pasakit.
Sariling buhay man ang maging kapalit,
mailigtas lang ang tao, at mabuhay kasama Niya sa paraiso.