Ang Tunay na Kalayaan

posted in: Literary

Photo Courtesy by Basil James on Unsplash

Ako’y nagbunyi ng aking marinig ang sigaw,

Malaya, Malaya, Malaya!

Ang mga tinig at hiyawan ay umalingawngaw

Sigaw ng lahat, paghihirap ay tapos na

 

Mga matatapang na sundalo na lumaban

Kasama ang ating mga ninunong nakipagpatayan

Makamit lamang ng bawat isa ang Kalayaan

Na matagal ng minimithi at inaasam.

 

Pero kung ating susuriin, paano nga ba nasusukat ang tunay na Kalayaan?

Sa mga baril at bala ba na kumitil ng maraming buhay

Ng mga naiwang pamilya at sa kanila’y nawalay

Makamtan lang ang pinagdiriwang na Kasarinlan?

 

Ako’y nagnilay nilay, at ng aking natanto.

Hindi pa pala ako malaya at ako pa rin pala ay isang bilanggo.

Sa mga kasalanang di kayang linisin ng pagwagayway ng watawat

Kundi hanapin ang Diyos at magsisi sa Kanya ng tapat

 

Pero paano ko gagawin, pagkat sadya akong mahina

Bulong ng Diyos sa aki’y, huwag kang matakot Ako’y may ipapadala

Ng aking marinig ang taglay Niyang Mabuting Balita

Ito’y binuksan ang aking saradong puso at mga mata

 

Akala ko nung una, magpabautismo ay mahirap

Tugon sa aki’y “isapuso mo lang kapatid, para rin sa iyong hinaharap”

Ako’y nanalangin sa Diyos at buong puso na nagsisi

Pagkatapos tinubog sa tubig, mga anghel ay nagbunyi

 

 

Salamat sayo Panginoong Hesus, Ikaw ang naging daan

Para makamtan ko ang buhay na walang hanggan

Inahon mo sa kadiliman, patungo sa kagila gilalas na kaliwanagan

Kahit buhay Mo ang kapalit, matubos lang ang sanlibutan

 

Iyong pinaglaban ang katotohanan hindi sa dahas

Kundi sa dakilang pagibig, matuwid Mo lang aking landas

Kaya napako Ka sa Krus at katawa’y nabayubay

Kamatayan mo ang siyang naging aking buhay

 

Kaya sino ako ngayon na magmamapuri

Kung Ikaw din nagbigay anyo sa bago kong sarili

Ang nais Mo lamang bilang aking ganti

Ika’y paglingkuran at laging maluwalhati

Ngayong alam ko na, na ako’y ganap ng malaya

Nais ko lamang oh Diyos, ay maglingkod Sayo at makasama Ka.

Hindi lang ako, kung hindi buo kong pamilya

Kasama ang katrabaho, kaibigan at mga kakilala

 

Salamat sa Iyong pinadala, ang Iyong Mabuting Balita

Sa mga anak Mong ginagamit at patuloy na nagtiyatayaga

Maiparating lamang sa bawat isa ang Nais mong sabihin

Na Ikay muling magbabalik, yan ang Iyong dakilang tagubilin

 

Aking kapatid, nawa’y itoy nakapagbigay sayo ng ngiti

Na malaman mong mahal ka ng Diyos, Siya ay napakabuti

Lagi lang tandaan, ang tunay na Kalayaan

Ay ang ating nakamtan, na buhay na walang hanggan

Follow Ptr. Tyrone Reyes:
OD Adviser, The OPIF Digest
Latest posts from