Isang Masayang Pagdiriwang

posted in: Literary

Photo Courtesy: Luisa Brimble | Unsplash

Huwag tayong sumentro sa tradisyon ng mundong ito
Ang bagay na ito ay dapat malaman ng bawat tao
Totoong regalo'y napakahalaga ito'y nakalaan para sa'yo
Buhay ay isuko lamang sa Panginoong Hesukristo.

Ang Sabi ng Bibliya:
Ikalawang sulat ni Apostol Pedro tres bersikulo otso hanggang newebe 
"Datapuwa't huwag ninyong kalimutan, mga minamahal, ang isang bagay na ito, na ang isang araw sa Panginoon ay katulad ng isang libong taon, at ang isang libong taon ay katulad ng isang araw. Hindi mapagpaliban ang Panginoon tungkol sa kaniyang pangako, na gaya ng pagpapalibang ipinalalagay ng iba; kundi mapagpahinuhod sa inyo, na hindi niya ibig na sinoman ay mapahamak, kundi ang lahat ay magsipagsisi."

****
Ano ba ang Pasko o Bagong Taon sa sandaigdigan?
Sagot niyan ay: abala ang lahat sa iba't ibang pagdiriwang.
Lahat ng kinapal naghahanda para sa kanilang sari-sariling pagkakagastusan.
Layunin ay maging masaya ang bawat tahanan, maging ang mga kaibigan.

Maging isang paslit tuwang tuwa sa ganitong kaparaanan.
Madaling makapagsasabi ng: Inay, Itay ibili mo ako niyan.
Kagalakan ng isang paslit regalong laruan o kasuotan.
Tunay, sadyang masaya ang madla sa ganitong kapanahunan.

Walang masama kung ang buong mundo ay nagdiriwang.
Sabi nga nila: kasama sa pagdiriwang isang sanggol na isinilang..
Siya ay pinanganak sa Herusalem sa may abang sabsaban.
Labis ang kagalakan, mga anghel sa kalangitan ay nagdiriwang.

Ngunit ano ba ang tunay na kahulugan ng ganitong pagdiriwang?
Ang kahulugang ito ay dapat malaman ng bawat nilalang.
Ito ay simbolo ng bagong simula at bagong pagasa.
Bagong buhay na sa Dios ay totoong kumikilala.

ALALAHANIN NATIN:
Ang Hari ng mga hari. Diyos sa lahat ng mga diyos. SIYA'Y nagpakababa't bumaba dito sa lupa. Dala-dala NIYA'Y pag ibig, pag- asa at grasya. SIYA ay namuhay sa mundo kapiling ng mga tao at ipinamalita NIYA ang tungkol sa ebanghelyo. SiYA ay hinatulan ni Poncio Pilato. Nagdiriwang ang maraming tao. Bigat ng krus, latay ng latigo tinanggap ni HESUKRISTO. Koronang tinik tinusok sa ulo, pinako sa krus upang iligtas ka at ako. Hinarap NIYA ang kamatayan. Oo, hanggang sa kamatayan, kapalit ng buhay sa mundong makasalanan.

Buhay Niya na inialay sa bulubunduking krus ng kalbaryo.
Walang bahid ng pagsisisi alay Niyang buhay para sa iyo.
Tanggapin at tupdin ang Kanyang Banal na Salita.
Ito'y punong- puno ng pag ibig, pag asa, at bagong simula.

Sa Panginoong Hesus masusumpungan ang totoong kaligayahan.
Kaya naman magsisi at talikdan ang mga nagawang kasalanan.
Sa aklat ng Gawa dos bersikulo treinta otso basahin mo o tao.
Alok ng Dios tanggapin at ang regalong Banal na Ispiritu ipagkakaloob sa iyo.

Juan tres bersikulo dyesisais:
Sapagka't gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya'y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.

Ang lahat ng kapurihan ay sa Panginoong Hesus lamang!