Kaisipang Pentekostal: Pansariling Proteksyong Espirituwal (PPE)

posted in: Opinion

Photo by Aaron Burden on Unsplash

BABALA: Para sa inyong Kaligtasan at segurida, isuot ang inyong mga Pansariling Proteksyong Espirituwal

Ang sakit na dala ng COVID19 ay patuloy na nanalasa sa buong sanlibutan, sa lahat ng mga bansa. Mula sa Timog (Amerika), Asia Menor, Europa hanggang sa Silangan at kalagitnaan nito ay patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga nasasawi, nagkakasakit subalit mayroon din namang mga gumagaling at nakakaligtas.

Habang ang bawa’t bansa at ang pamahalaan nito, maging ang lahat ng mga dalubhasa ay abala sa pagtuklas ng mga medisina kung paano masusugpo ang  bayrus na ito, ang bawa’t manggagamot, tagapagalaga at kawani ng mga Bahay Pagamutan ay walang patid sa pagtutulungan upang maisalba ang buhay ng isang tao. Kaakibat nito ang pagsasabatas na pangsamantalang maitigil ang anumang operasyon ng mga pagawaan at paggawa mula sa maliliit hanggang sa malalaking industriya, establisyemento, tranportasyon, hanggang sa mga tirahan at iba pa upang maiwasan din naman ang mabilis na pagkalat at pananalasa ng bayrus na ito.

Sa kasagsagan ng mga pangyayaring yaon, na animo’y unos na rumasagasa sa buong kapuluan na halos lahat ng mga tagapagbalita at bawa’t mamamayan ay nakatutok sa mga bagay na nangyayari. Saksi ang lahat sa mga bagay na kanilang isinisigaw, hinahanap na tila baga kulang o wala. Na ang malungkot at hindi inaasahang pangyayari ayon sa ulat na mismong ang Kagawaran ng Kalusugan ay walang maigawad o maibigay na kagamitan bilang proteksyon laban sa Bayrus sa lahat ng mga manggagamot, tagapagalaga at iba pa mula sa mga pasyente na may dala nito.

Ito ang tinatawag nilang PPE o yung tinatawag na Personal Protection Equipment sa wikang banyaga…Kagamitan na Pansariling Proteksyon. Katulad ng Helmet, Maskara, Guwantes, Sapatos at iba pang kasuotan laban sa mga bagay na maaaring makasama o makapaminsala sa iyong pisikal at kalusugan.

Ang salitang PPE ay madalas nating nababasa na naka paskel bilang babala o paalala sa bawa’t dingding, poste sa mga lugar na may itinatayong gusali, sa mga pabrika, industriya at mga lugar kung saan kinakailangan na magsuot nito.

Sa usapang Espirituwal ito’y nasa ilalim pa rin ng biyaya ng Dios. Sa anong dahilan? Pagkakataon at Kadahilanan o Layunin ng Dios sa ating mga buhay.

Batid natin at hindi maikakaila na ang Pandemiyang ito na ating nararanasan at kinakaharap sa ngayon ay nakapagbigay ng malakas na dagok sa larangan ng Siyensya o Agham, Ekonomiya, Kultura at higit sa lahat sa aking pananaw ay pati ang pananampalataya at pamumuhay espirituwal.

Ang salitang Espirituwal at Pananampalataya ay laging kaakibat sa ating paniniwala o pananalig sa Dios.

Isang malaking paghamon sa buhay ng bawa’t tao, bawa’t mananampalataya, sa bayan ng Dios at sa kanyang mga lingkod.

Na kung ating susuriin, ang mga pangyayari ay isang pagkakataon na niloob ng Dios upang ang lahat ay paalalahan sa kanya-kanyang mga kalagayan sa buhay. Kumustahin at alamin kung siya ba ay nakapakinig na ng salita ng Dios. Sa kanya ba ay naganap o naipangaral na ang Ebanghelio ng Kaligtasan, isang kapamaraanan na idinisenyo ng Dios kung paanong ang isang tao ay maliligtas o iyo bagang naipangaral na ang kanyang mga ipinaguutos? Ikaw ba ay handa na? sapagkat sinabi ni Hesus sa aklat ni…

Marcos 13:20 At malibang paikliin ng Panginoon ang mga araw, ay walang laman na makaliligtas; datapuwa't dahil sa mga hirang, na kaniyang hinirang, ay pinaikli niya ang mga araw.

Tunay na ang salita ng Dios ay matalas at buhay. Sapat na upang maramdaman mo ang sakit na dala ng mensahe sa pagbasa at pakikinig nito. Ang mga salitang maliban, datapuwa’t ay nagpapahiwatig sa pagbibigay ng pagkakataon sa bawa’t tao na hindi pa tumatalima sa kanyang mga salita at gayon din sa kanyang mga lingkod at hinirang na kung walang pagkilos upang maipangaral ang kanyang mga salita marahil ay tunay na paiikliin ng Dios ang mga araw alang-alang sa kanilang kaligtasan.

Gayon din ang kanyang sinabi na isinulat ni Juan tungkol sa Pagibig ng Dios sa tao, Pananampalataya at Buhay na walang hanggan.

Juan 3:16

16 Sapagka't gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya'y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.

Noon pa may minahal na ng Dios ang tao at ayaw niya itong mapahamak. Subalit sa kanyang Kabanalan at Katuwiran ay hindi niya puwedeng ipahintulot na ang kasamaan at kasalanan na patuloy na nagagawa ng tao ay manatili. Kung kaya’t siya mismo ang nagpasiya na minsan pa at para sa lahat ay tubusin niya tayo sa ating mga pagkakasala sa pamamagitan ng kanyang sariling dugo at hindi sa pamamagitan ng ibang uri ng dugo upang tayo ay maging banal.

Hebreo 9:12 At hindi rin naman sa pamamagitan ng dugo ng mga kambing at ng mga bulong baka, kundi sa pamamagitan ng kaniyang sariling dugo, ay pumasok na minsan magpakailan man sa dakong banal, na kinamtan ang walang hanggang katubusan.

Hebreo 10:10 Sa kaloobang yaon tayo'y pinapaging-banal, sa pamamagitan ng pagkahandog ng katawan ni Cristo na minsan magpakailan man.

Ang kabanalan ay sa pamamagitan ng kalinisan ng budhi o kawalan ng kasalanan.

Marahil sa karunungan ng tao na kamangmangan naman sa Dios, ay maraming mga bagay o pamamaraan na itinuturo upang maprotektahan ang ating mga katawang lupa sa anumang sakuna, aksidente o trahedya maging sa panlaban sa sakit o karamdaman.

Subalit ang Banal na Kasulatan ay nagbibigay ng inspirasyon at nagtuturo ng kapamaraanan para sa ating Kaligtasan

Higit siguro nating bigyan, pagtuunan ng malaking pansin at paghandaan ang kalagayang Espirituwal at ang kaligtasan ng ating mga kaluluwa.

Santiago 4:8  Magsilapit kayo sa Dios, at siya'y lalapit sa inyo. Mangaglinis kayo ng inyong mga kamay, kayong mga makasalanan; at dalisayin ninyo ang inyong mga puso, kayong mga may dalawang akala.

Efeso 6:11 Mangagbihis kayo ng buong kagayakan ng Dios, upang kayo'y magsitibay laban sa mga lalang ng diablo.

Galacia 3:27 Sapagka't ang lahat na sa inyo ay binautismuhan kay Cristo ay ibinihis si Cristo.

Ito ang tamang Kasuotan, kasuotan para sa Kaligtasan ng ating mga Kaluluwa.

Sa kanya lamang ang pinakamataas na papuri at kaluwalhatian!

Follow Ptr. Rico Lucas:
The OPIF Digest Contributor