Ang Aral ng Kasalukuyang Panahon

posted in: Editorial

Marahil tayo ay nalilito pa rin sa ngayon kung bakit nagaganap ang kasalukuyang COVID-19 na pandaigdigang krisis sa kalusugan. Para sa ating mga Kristiyano, ang mga bagay na ito ay normal na lamang na mga kaganapan sapagkat lagi nating nababasa sa Bibliya na ganito maihahalintulad o mailalarawan ang mga huling araw.

Ang pagpasok ng taong 2020 ay tila isang paalala ng ating Dios na ang mga nakasulat sa Bibliya ay hindi dapat babaliwalain sapagkat isa-isang nagaganap at nasasaksihan ng mga anak niya ang mga nakasulat sa Aklat. Andyan ang lindol, pagputok ng bulkang Taal, giyera sa Gitnang Silangan, sunog sa kagubatan ng Australia at America, sakuna sa himpapawid, giyera ng pandaigdigang kalakal, paglabas ng mga balang na hindi mo mawari kung saan nanggaling at ang COVID-19. Pangatlong buwan palang po tayo ng kasalukuyang taon.

Noong inilabas ang pambansang panukalang naglalayong pagbawalan ang mga pagtitipong malakihan at isa na nga riyan ay ang mga Sunday Worship ng mga panambahan sa Pilipinas at karatig bansa, naglabasan din ang ibat-ibang pahayag ng mga lider ng Iglesya na tila tumutuligsa sa pagsasara ng mga gawain. Subalit, malinaw na ang panagwagan ng gobyerno ay upang matugunan ang lumalalang krisis, sapagkat kung hindi, tinatayang nasa humigit kumulang 700,000 na mga kababayan natin ang mamamatay sa COVID-19 ayon sa pahayag ng isang mambabatas.

May mga bagay na dapat nating maunawaan hinggil sa mga kaganapan na ito. Una, katungkulan ng gobyerno ang protektahan ang kapakanan ng mga mamamayan at ang nakikitang paraan ay ang Enhanced Localized Lockdown kagaya ng ginagawa ng karatig bansa bilang pagsugpo sa mabilis na paglaganap ng COVID-19. Pangalawa, hindi tutol ang gobyerno sa relihiyon sapagkat ito ay isang konstitusyonal na karapatan ng bawat isa at ang panagawan ng pansamantalang pagtitigil ng mga relihiyosong pagtitipon ay kaalinsunod lamang sa mandato nito na pangalagaan ang interes ng mga mamamayan lalo’t higit sa larangang ng kalusugan. Pangatlo, ang pansamantalang pagtitigil ng mga gawain sa mga panambahan ay hindi pagkitil sa karapatan ng relihiyon kundi ang proteksyunan lamang ang kalusugan ng mga mamamayan bilang pangkalahatan. Kung kaya’t ang lockdown ay hindi pagtuligsa sa Iglesya kundi pagsugpo sa COVID-19 pandemya.

Kung meron mang mas higit na nakakaunawa sa mga panuntunang ito ay marahil tayong mga nasa relihiyosong organisasyon sapagkat mulat na ang ating mga kaisipan hinggil sa mga espirituwal na karunungan. Kung kaya’t madali sa ating unawain ang mga bagay na pisikal na nakikita or nasasaksihan ng mga mata, dahil taglay natin ang karunungang nagmumula sa Dios, hindi po ba? Hindi ba’t saksi ang ating mga mata kung paano umakyat ang pandaigdigang bilang ng mga nasawi sa 18,926 sa kasalukuyan at patuloy na nadadagdagan minu-minuto? Hindi ba’t saksi tayo kung paanong umakyat sa 6,820 bilang ng mga nasawi sa Italy at ang kanilang gobyerno na mismo ang nagpahayag ng pagkadismaya sa tila hindi makontrol na pandemya?

Ang isang tunay na pinagkakalooban ng espirituwal na kaunawaan ay higit na nakakaunawa sa panuntunang pisikal o ang pananaig ng batas (rule of law) sapagkat kung paanong ipinagkaloob sa kanya ang mga makalangit na kaunawaan na hindi niya saksi (unseen, yet he believed), ganun pa kaya ang mga batas sa lupa na mismong lantad sa kanyang mga mata bilang saksi?

Tayo bilang isang organisasyon na tumatalima sa salita ng Dios at umaasa sa mga makalangit na kaganapan sa hinaharap ay tumatalima rin sa panuntunan ng gobyerno, sapagkat ang pagsunod sa batas ng lupa ay isang ehemplo ng tunay na pinagkalooban ng espirituwal na karunungan. Paano masasabing nauunawaan natin ang mga batas na makalangit kung gayung hindi tayo nakakaunawa sa mga batas na mismong lantad sa ating mga mata?

Ganun pa man, hindi ito ang panahon ng pagkakabaha-bahagi. Hindi panahon ng pagtatalu-talo, patalinuhan at sariling interpretasyon ng Bibliya. Kahit anong dinominasyon ka pa napapabilang, ito ang panahon ng isahang panalangin at pag-aayuno, isang panahon ng pagkakapit-bisig upang tuluyang masugpo ang COVID-19. Ito rin ang panahon ng paghahanap ng kaparaanan upang maidaos ang Gawain ng Dios kahit tayo ay nasa kanya-kanya nating mga tahanan. Tayo ay nahaharap sa isang giyera na ang kalaban ay hindi nakikita ng mga mata, subalit pinapatay ang ating pisikal na katawan, kahalintulad na lamang sa pakikidigma sa espirituwal na labanan na pinapatay naman ang ating mga kaluluwa.

Sa pagwawakas, ang aklat ng Roma 13:1-5 ay maliwanag, “1 Magpasakop kayong lahat sa mga namumuno sa pamahalaan. Sapagkat ang lahat ng pamahalaan ay nagmula sa Dios, at siya ang naglagay sa mga namumuno nito. 2 Kaya ang mga lumalaban sa pamahalaan ay lumalaban sa itinalaga ng Dios at dahil dito parurusahan niya sila. 3 Ang mga namumuno ay hindi dapat katakutan ng mga gumagawa ng mabuti. Ang dapat matakot sa kanila ay ang mga gumagawa ng masasama. Kaya kung nais mo na wala kang ikatakot sa mga namumuno, gawin mo ang mabuti at pupurihin ka pa nila. 4 Sapagkat ang mga namumuno sa bayan ay mga lingkod ng Dios para sa ating ikabubuti. Pero kung gagawa ka ng masama, dapat kang matakot dahil may kapangyarihan silang parusahan ka. Sila’y lingkod ng Dios na nagpaparusa sa mga gumagawa ng masama. 5 Kaya magpasakop kayo sa pamahalaan hindi lang para maiwasan ang parusa kundi dahil ito ang nararapat gawin".

 

Follow Ptr. Michael Sanchez:
Publication Adviser, The OPIF Digest